Friday, October 15, 2004

Paalam...Kaibigan

Bertdey ko nung nakaraang araw...maraming bumati at marami ring nakalimot, pero suma total...masaya at kumpleto araw ko. Siyempre, ang aking misis, mga anak at magulang ang unang bumati, at nakatanggap rin ng regalo mula sa kanila maski papano. Maaga akong nagsimba at nagpasalamat sa ating Ama sa walang hanggang biyayang di nya naipagkakait. Isang pahina na naman ng aking buhay ang mag-uumpisa...pinagdasal ko pagkagising ng araw na yun, na sana'y tulungan at gawin pa nya akong mas mabuting kristyano.

Syempre, kailangan regaluhan ko rin aking ang sarili...una, maghapon akong di nagtrabaho. Binigyan ko rin ng "break" ang aking sarili. At pangalawa, naipangako ko sa aking sarili na kakalimutan ko na ang aking bisyo..."ang aking paninigarilyo". Nakadalawang araw na rin akong nagtitiis na walang hithit...mahirap at di ako mapakali pero kailangan kong tiisin. Hangga't maaari, di ko na babalikan ito. Matagal-tagal ko na rin binisyo ang sigarilyo at kung kukwentahin mo ang naipambili ko nito, baka nakapagpa-aral na ito ng isang "Nursing". Di naman ako yung tipong sugapa, sampung (10) sticks lang ang average ko sa maghapon...di ko kayang umubos ng isang kaha, pero, marami man o kaunting sticks ang ating nakukunsumo...bisyo pa rin yun. Walang pinagkaiba.

Kelan ba ako unang nanigarilyo...tagal na...3rd year high school...paisa-isa (at patago sa magulang...tagpas ang ulo ko pag nahuli akong me yosi). Ewan kung anong dahilan noon, siguro paporma, barkada. Nahuli nga ako minsan ng aking tatay, kalaboso inabot ko. Pagtungtong sa kolehiyo, ayan na...sineryoso ko na, palagi na akong me nakabulsang yosi. Lalo pa sa Baguio kung saan ako nag-aral, masarap at malamig ang simoy...napakasarap manigarilyo, walang pait. Mga barkada ko, mahihilig rin...pag wala na pambili, hati-hati na kami sa isang stick. Maalala ko pa, pag naninigarilyo ka at sinabihan ka na 50-50...ibig sabihin nun, ipasa mo na sa kanya ang yosi pag nangalahati na, sigurado 'ala siyang pambili.

Pagpasok ko sa trabaho, puro maninigarilyo rin kasama ko rito...talagang di makaiwas, puro kasi kami lalake rito. Noon di ko na tinago sa magulang ko ang bisyo...sarili ko na kasing pera ang pambili. Pero, sermon pa rin inaabot ko pag nakikita ako ng nanay ko...masama raw sa katawan, etc, etc...pero labas lang sa kaliwang tenga...Sabi ko sa sarili ko, "ngayun pa ba ako aayaw, eh malaki na ang puhunan ko rito"...hahaha

Noong bata kasi ako, siguro mga edad 11, mahilig kasing magpasindi ng sigarilyo ang aking lolo (sumalangit nawa). Pag nakatapos na yun ng tanghalian o hapunan, tatawagin na ako at magpapasindi na ng isang stick sa kusina, tamad siyang magsindi para sa sarili. Pagbigay ko sa kanya, baka nakadalawa o tatlo na akong hithit..."kasalanan mo 'to lolo, di mo namamalayan, naitri-training mo na pala ako pagyosi".

Pero nakakasawa na rin...parang inoobliga ko ang sarili ko na bago pumasok sa trabaho, eh me nakabulsa ng yosi na baon. Nagsasawa na utak ko pero hinahanap naman ng katawan...bisyo na talaga. Kaya isang buwan bago sumapit ang aking bertdey, pinangako ko sa sarili ko na titigilan ko na talaga ito, alam ko kaya ko naman ito. Sinabihan ko rin ang misis ko na alalayan ako't baka siya'y malingat, eh me hawak na naman akong yosi. Noong isang gabi...sinunod-sunod ko ang sindi, pinagsawa ko talaga sarili ko bilang pamamaalam sa aking paninigarilyo.

Pangalawang araw ko nang walang yosi...nawa'y di ako sumuway sa aking pangako. Kung kaya ng iba, sigurado kaya ko...

No comments:

Nostalgia